Nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng Agoncillo sa pagdiriwang ng Taunang Pagtatapos ng Alternative Learning System (ALS) Agoncillo, bilang pagkilala sa tagumpay at pagsisikap ng mga nagsipagtapos na nagpatunay na walang hadlang sa taong may determinasyon na makamit ang edukasyon.
Sa pangunguna ni Atty. Cinderella Valenton-Reyes kasama sina Atty. Remjelljan Humarang at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, ipinakita ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo na tayo ay kaisa sa pagdiriwang ng tagumpay ng ating mga kababayan.
Naging Panauhin ng pagdiriwang si Konsehal Jayjay Balba, na nagbigay ng mensahe ng pagbati at inspirasyon sa mga nagsipagtapos, habang naghatid naman ng makahulugan at nagbibigay-inspirasyong talumpati si G. Jaycen Toraliza kinatawan ng ating Schools Division Superintendent Dr. Marites Ibañez.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni G. Toraliza ang kanyang pinagdaanang hirap at pagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral at maging isang guro. Ikinuwento niya kung paano siya nagsumikap sa iba't ibang hanapbuhay, kabilang ang pagbebenta ng pandesal, pamumukot, at paglilinis ng bus upang maitaguyod ang kanyang pangarap. Binigyang-diin niya na bagama't napakahalaga ng edukasyon sa paghubog ng kinabukasan, higit na mahalaga ang pagiging isang mabuting tao na may malasakit, integridad, at pagpapahalaga sa kapwa.
Ang Pamahalaang Bayan ng Agoncillo ay taos-pusong bumabati sa lahat ng ALS graduates at sa mga guro nagumabay sa kanila, lalo't higit sa ating mga kasama sa paglilingkod na nag-aral at itinaguyod ang kanilang pangarap.Nawa'y magsilbing inspirasyon ang inyong tagumpay upang patuloy na mangarap, magsikap, at maging mabuting mamamayan na makapag-aambag sa pag-unlad ng ating bayan.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments