Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 36th Civil Registration Month, matagumpay na nagsagawa ang Tanggapan ng Local Civil Registrar ng Agoncillo, sa pamumuno ni Ms. Karen O. Olvina, ng isang Poster Making Contest na dinaluhan ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa bayan ng Agoncillo.
Ang paligsahang ito ay nagsilbing makabuluhang plataporma upang maipahayag ng kabataan ang kanilang pag-unawa, kamalayan, at malikhaing pananaw hinggil sa kahalagahan ng Civil Registration and Vital Statistics (CRVS) sa paghubog ng kinabukasan.
May kabuuang labing-anim (16) na paaralan ang nagtagisan ng husay sa pagguhit, kung saan namayani ang talento, imahinasyon, at pagkakaisa ng mga batang Agoncillian. Sa pamamagitan ng kanilang mga obra, naipakita ang malalim na mensahe ng tema ngayong taon:
“Navigating the Future Together: Advancing CRVS in Shaping the Global and Regional Data Ecosystem.”
Isinagawa ang nasabing aktibidad sa V. Maligalig Events Center, na naging saksi sa pagsiklab ng galing at dedikasyon ng mga kabataang kalahok. Tunay na naging isang makulay at makahulugang selebrasyon ang paligsahan na isang patunay na ang kabataan ay may mahalagang papel sa pagtataguyod ng kamalayan at responsableng pakikilahok sa mga usaping panlipunan.
Sa mensahe ng ating minamahal na Punong Bayan Atty. Cinderella Valenton-Reyes, kanyang pinuri ang lahat ng kalahok at nagpaabot ng inspirasyon:
“Nakakatuwa ang inyong pagsali. Sa inyong paglahok, pinatunayan ninyong panalo na agad kayo.”
Lubos namang ikinararangal ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo ang tagumpay ng aktibidad na ito at taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng mag-aaral, guro, magulang, at paaralang nakiisa at sumuporta sa adhikaing ito.
Narito ang mga nagwagi sa Poster Making Contest:
Unang Gantimpala – Georgia Margarette S. Deomampo (Balangon Elementary School)
Ikalawang Gantimpala – Summer Navine R. Javier (Pamiga Elementary School)
Ikatlong Gantimpala – Carmela Elaine M. Edan (Agoncillo Central School)
Muli, pagbati at pagpupugay sa lahat ng lumahok at nagwagi! Ang inyong mga likha ay hindi lamang sining, kundi mga salamin ng pagkakaisa, kamalayan, at pag-asa para sa mas maayos at mas maliwanag na kinabukasan ng bayan ng Agoncillo.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments