Bilang patunay ng patuloy na pagpapahalaga ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo sa kaalaman, kahusayan, at propesyonal na pag-unlad ng mga kawani, matagumpay na nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Bayan sa Carl Balita Review Center (CBRC) para sa pagsasagawa ng Civil Service Commission Examination Review para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa pamumuno ng ating minamahal na Punong Bayan, Atty. Cinderella Valenton-Reyes, at sa masusing pangangasiwa ng Human Resource Management Office, sa pangunguna ni Ms. Angelica Anne Leonor, isinakatuparan ang ugnayang ito bilang bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na ihanda at palakasin ang kakayahan ng bawat lingkod-bayan.
Ang nasabing inisyatibo ay nagbibigay ng mahalagang gabay at sapat na kaalaman sa mga kawani upang higit na maging handa, kumpiyansa, at matagumpay sa pagharap sa CSC Examination.
Lubos na pinahahalagahan ng Lokal na Pamahalaan ang pakikiisa at suporta ng mga kinatawan ng Carl Balita Review Center, na nagsisilbing katuwang sa paghubog ng mga propesyonal na handang maglingkod nang may integridad, husay, at malasakit sa sambayanan.
Ang programang ito ay malinaw na sumasalamin sa adhikain ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo na patuloy na mamuhunan sa kaalaman ng mga kawani, sapagkat naniniwala ang pamahalaan na ang isang mahusay at may sapat na kaalamang lingkod-bayan ay susi sa mas episyente, tapat, at makataong paglilingkod sa mamamayan ng Magandang Agoncillo.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments