LAHAT PARA SA KABABAYAN, ANUMANG ORAS AY PATULOY ANG PAGLILINGKOD
Muli ay binisita ng ating butihing Punong Bayan Atty. Cinderella Valenton-Reyes kasama ang ating PIO Sir Dave Luya, kinatawan ng MDRRMO, mga volunteers na sina Kuya Aphol Sanggalang, Ma’am Pinky Sanggalang at Kuya Noli Hilario ang mga kababayan natin sa Brgy. Bilibinwang at Banyaga upang maghatid ng mga kagamitan na makakatulong sa paglilinis ng kanilang mga tahanan, Karne ng manok at mga school supplies sa ilang mga kabataan.
Minabuti ng ating Punong Bayan na ikutin ang sulok ng bawat barangay upang personal na makadaupang palad ang ating mga kababayan. Kasama ang kanyang anak na si Dan Gabriel Reyes ay nalaman din nila ang estado ng mga mag-aaral na sumasailalim sa Modular Distance Learning. Personal ding inanunsyo ni Ma’am Sanggalang ang schedule ng klase sa mga estudyante ng Agoncillo Senior High School sa nasabing barangay sapagkat hirap ang mga ito makasagap ng signal.
Sa tulong ng ating kaibigan na si Engr. Eugene Garcia na siyang sponsor ng mga pala ay unti-unti ring mababawasan ng ating mga kababayan ang putik na pumasok sa kanilang mga tahanan. Ikinatuwa din ng ating mga kababayan ang mga Dressed Chicken na ipinagkaloob naman sa atin ng Feedmix. Samantala, personal na inabot ng butihing anak ng ating Punong bayan at Pangalawang Punong Bayan ang mga school supplies sa kapwa niya kabataan na ibinigay naman sa ating ng Golden Gate Colleges-College of Nursing.
Ginagawa ng ating Punong Bayan ang lahat upang maabot ang bawat isang mamamayan, makamusta sila at alamin ang kasalukuyang nilang kalagayan. Masaya ang ating Ina na makitang muli ng nagliliwanag ang mga tahanan, indikasyon na nakabalik na nga ang suplay ng kuryente ng BATELEC I.
Sa kanyang pag-iikot, nakadaupang palad din niya ang naulilang kaanak nina Liezl Mendoza, Nerie Mendoza, Gian Carlo Mendoza at Victoria Punzalan. Patuloy pa rin niyang ipinapaabot ang kanyang pakikiramay at naniniwala siyang malalampasan din ng mga ito ang bawat pagsubok.
Alam ng ating Punong Bayan na hinagupit man tayo ng Bagyo, hindi mawawala sa bawat Agoncillian ang paniniwala na bukas ay muling sisikat ang pag-asa at pagbangon.



0 Comments