PANATA SA BAWAT AGONCILLIAN : BAWAT ARAW AY ARAW NG SERBISYO PUBLIKO PARA SA TAUMBAYAN

 


Sa bawat araw, maging ito man ay karaniwang araw o sumasapit ang Sabado at Linggo, ang diwa ng tunay na serbisyo publiko ay patuloy na umiiral sa puso at gawa ng ating mga lingkod-bayan.

Patunay nito ang isinagawang House-to-House PhilSys National ID Registration ng tanggapan ng LCR katuwang ang PSA sa Barangay Pook, kung saan buong malasakit na nilapitan ang ating mga minamahal na Senior Citizen, lalo na ang mga may limitadong kakayahan na makapunta sa tanggapan. 

Isang konkretong hakbang upang matiyak na walang maiiwan, at ang bawat isa ay mabibigyan ng pagkakataong makabilang sa sistemang magpapadali sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Kasabay nito, patuloy din ang walang sawang pagsisikap ng ilan sa ating mga kawani sa pagsasaayos at paglilinis ng PAGCOR Socio-Civic Center sa Pansipit katuwang ang BFP Agoncillo, isang tahimik ngunit makabuluhang gawain na sumasalamin sa kanilang dedikasyon sa kaayusan at kapakanan ng buong pamayanan.

Hindi rin matatawaran ang aktibong pakikilahok ng ating minamahal na Punong Bayan na personal na dumalo sa pagpupulong ng mga Girl Scouts sa Puerto Galera, bilang pagpapakita ng kanyang buong suporta sa pagpapaunlad ng kabataan at pagpapalakas ng kakayahan ng bawat Girl Scout sa ating lipunan.

Samantala, kaagapay naman ng komunidad ang CDRT, PNP Agoncillo at RHU sa patuloy na pagsuporta at pagbabantay sa isinasagawang Inter-Barangay Basketball League sa Plaza Elena, na hindi lamang nagtataguyod ng palakasan kundi nagpapatibay din ng pagkakaisa, disiplina, at samahan ng bawat barangay.

Patuloy din ang pag- monitor at pag-iikot ng ating BPLO upang masiguro ang kaayusan ng ating Pamilihang Bayan.

Sa kabuuan, ang mga gawaing ito ay sumasalamin sa isang pamahalaang tunay na naglilingkod, walang pinipiling araw, walang kinikilalang oras. Sapagkat para sa isang lingkod-bayan, ang bawat sandali ay mahalaga, at ang bawat mamamayan ay nararapat paglingkuran.

Dine sa Agoncillo, Araw-araw ay Serbisyo Publiko dahil naniniwala ang bawat kawani na ang malasakit sa bayan ay hindi kailanman nagpapahinga. 

#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko


Post a Comment

0 Comments