Isang makulay at makahulugang pagtitipon ang naganap sa ginanap na SLP Booth Competition 2026 sa Bayan ng Mataas na Kahoy kung saan nagpasiklaban ang iba’t ibang bayan mula sa Lalawigan ng Batangas sa pagpapakita ng kanilang mga programa at inisyatibo para sa kabuhayan ng kanilang mga mamamayan.
Nakiisa at buong pagmamalaking lumahok ang Bayan ng Agoncillo sa nasabing kompetisyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga produktong lokal, malikhaing presentasyon, at mga programang sumusuporta sa pag-unlad ng kabuhayan sa komunidad sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ipinakita ng bawat kalahok na bayan ang kanilang pagiging masinop, masipag, at malikhain sa pagbuo ng mga booth na sumasalamin sa kanilang kultura, produkto, at mga tagumpay sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng kanilang nasasakupan. Ang naturang aktibidad ay nagsilbing pagkakataon upang maipakita ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad sa pagpapalakas ng mga programang pangkabuhayan.
Lubos din ang pasasalamat ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo sa lahat ng bumubuo ng delegasyon na kumatawan sa ating bayan at nagpakita ng dedikasyon at malasakit sa paglilingkod. Ang pakikiisa ng Agoncillo sa ganitong mga programa ay patunay ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga inisyatibong naglalayong mapalakas ang kabuhayan at mapaunlad ang kalidad ng buhay ng bawat Agoncillian.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments