Isinagawa ang isang mahalagang Budget Consultation Meeting na pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang iba’t ibang Civil Society Organizations at mga pangunahing stakeholders, bilang bahagi ng patuloy na pagsasama-sama ng mga sektor upang higit na mapalakas ang mga programang pang-imprastruktura at mga proyektong makatutulong sa mas malawak na pag-unlad ng ating mga pamayanan.
Ang nasabing pagtitipon ay ginanap sa Batangas Country Club at dinaluhan ng mga kinatawan ng ating Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo, ng ating minamahal na Punong Bayan, Atty. Cinderella Valenton-Reyes kasama ang OIC ng Municipal Engineering Office, Engr. Lorie Digna Garcia at mga Punong Bayan ng iba't ibang bayan sa ating lalawigan.
Layunin ng konsultasyong ito na magkaroon ng mas malinaw at mas inklusibong pagtalakay hinggil sa mga prayoridad na proyekto at mga nakalaang pondo para sa mga susunod na programa ng DPWH, upang matiyak na ang bawat plano ay nakaangkla sa tunay na pangangailangan ng ating mga mamamayan.
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo ang aktibong pakikilahok sa mga ganitong mahahalagang konsultasyon, bilang patunay ng ating adhikain na makipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at sektor para sa mas maayos, makabuluhan, at pangmatagalang serbisyo publiko.
Sa pagkakaisa at pagtutulungan, mas pinagtitibay natin ang landas tungo sa isang mas progresibo at mas matatag na Agoncillo.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments