Isang malaking karangalan para sa Bayan ng Agoncillo ang magsilbing host municipality ng Division Athletic Meet (Softball and Baseball) ng Schools Division Office (SDO) Batangas Province na opisyal na idinaraos ngayong Disyembre 1, 2025.
Ang prestihiyosong kaganapang ito ay nagtitipon ng mga atleta mula sa iba’t ibang paaralan sa buong lalawigan, na layuning itaguyod ang kahusayan, disiplina, at integridad sa larangan ng isports.
Sa pagdating ng mga delegado, coaches, at opisyal mula sa iba’t ibang distrito ng Batangas, buong-pusong sinalubong sila ng ating minamahal na Punong Bayan, Atty. Cinderella Valenton-Reyes, bilang pagpapakita ng mainit na pagtanggap at suporta ng Pamahalaang Lokal ng Agoncillo sa mga programang pangkabataan at pang-edukasyon.
Ang pagpili sa Agoncillo bilang lugar ng pagdarausan ng naturang paligsahan ay isang malinaw na patunay ng tiwala ng lalawigan sa kakayahan ng ating bayan na maging isang ligtas, maayos, at maaasahang venue para sa mga malalaking aktibidad.
Habang isinasagawa ang mga laro sa softball at baseball, nawa’y mangibabaw ang diwa ng pagkakaibigan, respeto, at sportsmanship sa bawat manlalaro at tagasuporta.
Hinihikayat natin ang mga Agoncillians na ipakita ang kanilang buong suporta sa ating mga manlalaro at patuloy na maging mabuting halimbawa ng isang komunidad na nagkakaisa para sa tagumpay ng kabataan.
#MagandangAgoncillo
#MagandangSerbisyoPubliko
0 Comments