TINGNAN: Kaagad na nagpatawag ng emergency meeting ang RDRRMC CALABARZON ngayong araw sa pamamagitan ng Zoom kaugnay ng mga naitalang minor phreatic at minor phreatomagmatic eruption ng Taal Volcano ngayong araw, 26 Oktubre 2025. Batay sa ulat ng Main Crater IP at thermal cameras, ang mga naturang pagsabog ay naglabas ng usok at abo na umabot sa 1,200 hanggang 2,100 metro ang taas mula sa bunganga ng bulkan.
Sa naturang pagpupulong, ibinahagi ni Mr. Paolo Reniva mula sa Taal Volcano Observatory ang detalye ng naitalang aktibidad: isang minor phreatic na pagsabog dakong 2:55 AM, at dalawang minor phreatomagmatic eruption naman noong 8:13 AM at 8:20 AM sa Main Crater ng Bulkang Taal. Ayon sa kanya, ang naganap na phreatomagmatic eruption ay normal na mararanasan sa kasalukuyang Alert Level 1 ng bulkan, at tinalakay din niya ang kasalukuyang kondisyon nito.
Nakipag-ugnayan din ang RDRRMC sa PDRRMO Batangas at mga MDRRMO ng mga bayan ng Talisay, Laurel, Balete, San Nicolas, at Agoncillo, kasama si Agoncillo Mayor Cinderella Valenton-Reyes, upang alamin ang kalagayan sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon sa kanilang update, nakaranas ng pag-ulan na may kasamang putik mula sa abo sa ilang bahagi ng Agoncillo at Laurel, pati na rin ang pagkakaroon ng amoy at presensya ng volcanic gas mula sa bulkan.
Patuloy na nakataas ang Alert Level 1 (Low Level Unrest) ng Bulkang Taal. Pinapaalalahanan ang publiko na sumunod sa mga paalala ng DOST-PHIVOLCS, LGU, at lokal na MDRRMO, at agad na umiwas sa Taal Permanent Danger Zone (PDZ) lalo na sa paligid ng Main Crater.
#CivilDefensePH
#CivilDefenseInAction
#ServingTheNation
#ProtectingThePeople
0 Comments