𝗢𝗖𝗗 𝗖𝗔𝗟𝗔𝗕𝗔𝗥𝗭𝗢𝗡 𝗔𝗧 𝗣𝗛𝗜𝗩𝗢𝗟𝗖𝗦 𝗕𝗜𝗡𝗜𝗦𝗜𝗧𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗟𝗜𝗚𝗜𝗗 𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗟𝗞𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗔𝗔𝗟
Upang mapalakas ang koordinasyon at mapalaganap ang tamang impormasyon sa kasalukuyang kalagayan ng Bulkang Taal, personal na nagtungo si Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Chairperson at Office of Civil Defense (OCD) CALABARZON Regional Director Carlos Eduardo E. Alvarez III, kasama si Resident Volcanologist Paolo Reniva mula sa Taal Volcano Observatory ng DOST-PHIVOLCS, nitong Byernes, Hulyo 11, 2025 sa ilang bayan sa Batangas na malapit sa bulkan.
Ilan sa mga nakausap ni Direktor Alvarez at Mr. Reniva sa kanilang pag-iikot ay sina Talisay Municipal DRRM Officer Mark Angelo Panganiban; Agoncillo Municipal Vice Mayor Remjelljan Humarang, Municipal Administrator Joel Mendoza at MDRRMO Junfrance de Villa; Laurel Vice Mayor Brandon Bruce at MDRRMO Venus Alilio; San Nicolas Municipal Mayor Lester De Sagun at MDRRMO Herbert Bereña; at Balete Mayor Wilson Maralit at MDRRMO Jocelyn Tangpuz.
Ang kanilang pagbisita ay naglalayong linawin ang mga maling impormasyon na kumakalat sa social media kaugnay ng kasalukuyang kalagayan ng bulkan. Paglilinaw ni Mr. Reniva, nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano kung kaya inaasahan pa rin na magkaroon ng “pusngat” o mahihinang pagputok dahil sa pagtaas ng seismic activity nito ngunit hindi ito katulad ng nangyaring pagputok noong 2020.
Dagdag naman ni Direktor Alvarez na kahit nasa Alert Level 1 ang bulkan ay kinakailangan pa ring palakasin ang kahandaan ng mga komunidad tulad ng pagkakaroon ng evacuation plan at kaalaman sa mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad, gayundin ang pagpapatibay ng koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga barangay para sa mas mabilis na aksyon.
Tinalakay din nila ang ibat-ibang mga programa at aktibidad ng lokal na pamahalaan tungkol sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at mga hakbangin upang mas mapaunlad ang kahandaan ng kanilang bayan sa anumang panganib na dulot ng natural na kalamidad.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Direktor Alvarez sa pamunuan ng mga bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo, San Nicolas at Balete sa suporta at dedikasyon nila sa pagtutok sa mga usaping pangkaligtasan ng kanilang komunidad na nasasakupan.
Nananatili naman sa BLUE Alert ang estado ng RDRRMC Emergency Operations Center (EOC) CALABARZON upang bantayan ang aktibidad ng Bulkang Taal at masiguro ang mabilis na pagtugon sa mga lokal na pamahalaan sa Batangas kung sakaling magtaas ito ng alert level.
Photo credits: MDRRMO Lgu-Balete Batangas, Mdrrmc Talisay Batangas, Magandang Agoncillo Batangas and MDRRMO Laurel, Batangas Facebook Page
0 Comments