Kasabay ng pagbubukas ng pansamantalang daanan sa Sitio Manalao kanina ay personal na binisita ng ating butihing Punong Bayan Atty. Cinderella Valenton-Reyes kasama ang mga kinatawan ng ating Lokal na Pamahalaan ang Barangay Bilibinwang at Banyaga upang alamin ang kasalukuyang kalagayan nito 15 araw matapos tayong hagupitin ng bagyong Kristine.
Dito ay bumungad ang mga daanang binalot ng makakapal na putik at punong kahoy, mga sirang tahanan at kalsada na tunay namang dumurog sa puso ng ating Punong Bayan. Kalunos lunos ang sinapit ng ilang mga barangay sa ating bayan kaya tuloy-tuloy ang ating panawagan sa iba pang mga kababayan na may kakayanang makatulong sa paghuhukay at pag-aalis ng mga putik sa ilan pang mga lubog na tahanan sa Subic Ibaba, Subic Ilaya, Bilibinwang at Banyaga.
Kasama kayo, alam ng ating lokal na pamahalaan na kayang kaya nating muling makabangon. Muling lilitaw ang ganda ng Magandang Agoncillo at muli nating ipapakita ang ating katatagan sa anumang hamon ng buhay. Ang ating Lokal na Pamahalaan ay ginagawa ang lahat upang makalapit sa iba’t ibang ahensya na maaaring magbigay sa atin ng tulong lalo na sa rehabilitasyon at muling pagsasa-ayos ng ating bayan.
Sama-sama tayo mga minamahal naming kababayan, sabay sabay nating ititindig ang isang mas Magandang Agoncillo.



0 Comments