ULAT SA BAYAN 2026 | Mas Pinalalakas na Serbisyong Panlipunan para sa Bawat Agoncillian. 🇵🇭✨

 


Patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo ang mga programang nagtataguyod sa kapakanan ng mga bata, kabataan, at pamilyang Agoncillian.


Sa kanyang Ulat sa Bayan 2026, binigyang-diin ni Atty. Cinderella Valenton-Reyes, ang mahahalagang hakbang upang higit na mapalakas ang sistema ng pangangalaga at proteksyon sa mga mamamayan.


Kabilang dito ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa Regional Alternative Child Care Office (RACCO) upang higit na mapatatag ang pagpapatupad ng foster care, adoption, at iba pang alternative child care programs para sa mga batang nangangailangan ng pagmamahal, proteksyon, at gabay.


Patuloy ding pinalalawak ang mga serbisyong sikolohikal para sa mga batang biktima ng pang-aabuso, mga kaso ng Violence Against Women and their Children (VAWC), Children in Conflict with the Law (CICL), at iba pang nangangailangan ng psychosocial intervention. Sa pamamagitan ng maayos na referral sa Bahay Pag-asa at Haven, layunin ng Pamahalaang Bayan na matiyak ang kanilang rehabilitasyon, paghilom, at maayos na pagbabalik sa lipunan.


Bilang bahagi ng layunin na magkaroon ng higit na inklusibong serbisyong panlipunan, nakipagkasundo rin ang Pamahalaang Bayan sa Taiwan Fund for Children and Families (TFCF) at isinusulong ang pakikipag-ugnayan sa mga institusyong dalubhasa sa psychological, behavioral, at educational services para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.


Mailalapit sa mga mamamayan ang mga serbisyong tulad ng Psychological Assessment, Applied Behavior Analysis (ABA) Assessment at ABA Therapy, at Special Needs Education (SNED) Assessment upang mas maagang matukoy at matugunan ang pangangailangan ng mga bata. Layunin din nitong mabawasan ang gastusin at hirap ng mga pamilya sa pagkuha ng mga espesyal na serbisyong ito.


Kasabay nito, patuloy ding pinatitibay ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Bayan sa Batangas State University at higit pang pinalalakas ang Family Welfare Program sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dalawang DSWD-accredited Pre-Marriage Counselors na magsisilbing gabay sa mga mag-asawang naghahanda sa pagbuo ng matatag at responsableng pamilya.


Bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga volunteer leaders sa komunidad, isinusulong din ang pagbibigay ng honorarium sa Federation Officers at Pantawid Leaders bilang suporta sa kanilang patuloy na paglilingkod.


Hindi rin nalilimutan ng Pamahalaang Bayan ang mga kabataan. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na mga pagsasanay sa pamumuno, hinuhubog ang mga kabataang Agoncillian upang maging tapat, may integridad, at handang maging mga susunod na lider ng ating bayan.


Patuloy ang Pamahalaang Bayan ng Agoncillo sa paghahatid ng mga programang may malasakit, inklusibo, at nakatuon sa kapakanan ng bawat mamamayan, sapagkat ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa pag-aaruga sa tao.


#MasMagandangAgoncillo #MasMagandangSerbisyoPubliko 

Post a Comment

0 Comments