Ang tunay na kaunlaran ay nasasalamin sa isang pamayanang malusog sa pangangatawan at panatag ang kalooban. Kaya naman patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo, sa pangunguna ni Punong Bayan Atty. Cinderella Valenton-Reyes, ang mga programang naglalayong mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng bawat Agoncillians.
Sa kanyang Ulat sa Bayan 2026, ibinahagi ng Punong Bayan ang patuloy na pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan na higit na inilalapit sa mga mamamayan. Isa sa mga kinikilalang huwarang programa ng ating bayan ang Libreng Konsultasyong Pangsikolohiya, na nagbibigay ng pagkakataon sa ating mga kababayan na makatanggap ng payo at gabay mula sa mga dalubhasa sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan.
Naitatag din ang mga Teen Health Kiosk para sa Kabataan sa mga Gusaling Bayan, mga paaralan, at mga barangay upang maging ligtas na lugar para sa pakikinig, paggabay, at pag-aaruga sa ating mga kabataan.
Sa pakikipagtulungan ng iba't ibang katuwang na samahan, patuloy ding naihahatid ang mga serbisyong pangangalaga sa ngipin sa pamamagitan ng Mobile Dental Clinic, na nagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mag-aaral, nakatatanda, mga taong may kapansanan, at mga pamilyang naninirahan sa malalayong barangay.
Isinusulong din ng Lokal na Pamahalaan ang Programa ng Visiting Doctors at ang pagpapalakas ng Konsulta ng PhilHealth, upang hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo o gumastos nang malaki ang ating mga kababayan para lamang makapagpatingin sa mga espesyalista.
Patuloy din ang mga hakbang upang maisakatuparan ang pagtatayo ng Sentro para sa mga Pasyenteng Nangangailangan ng Dialysis, na inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa sa mga nangangailangan ng regular na gamutan at sa kanilang mga pamilya.
Isa ring ipinagmamalaki ng ating bayan ang pagkilala sa Animal Bite Center bilang isang kinikilalang pasilidad ng Kagawaran ng Kalusugan, patunay ng patuloy na pagpapahusay ng mga serbisyong medikal sa Agoncillo.
Sa tulong ng ating mga Tagapaglingkod na BNS at BHW, gayundin ng ating mga katuwang na tanggapan at samahan, patuloy na naihahatid ang mga serbisyong pangkalusugan hanggang sa pinakamalayong bahagi ng ating bayan. Tinitiyak din ng Lokal na Pamahalaan na may sapat na suplay ng mga pangunahing gamot sa ating pangunahing RHU at patuloy na naipagkakaloob ang tulong sa mga kababayang nahaharap sa mabibigat na gastusing medikal.
Sa Agoncillo, ang pangangalaga sa kalusugan ay hindi lamang isang programa, kundi isang pangakong walang naiiwan at walang napapabayaan. Sapagkat ang bawat buhay ay mahalaga, at ang bawat mamamayan ay karapat-dapat sa serbisyong may malasakit, paggalang, at tunay na pagmamahal.
#MasMagandangAgoncillo #MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments