MALINIS NA AGONCILLO, LUNTIANG BUKAS | SAMA-SAMA TAYO TUNGO SA ZERO WASTE AGONCILLO. 🇵🇭✨

 


"Lahat po ay kaya natin kung tayong lahat ay mauunawaan ang kahalagahan nito at tayong lahat ay gagawa ng paraan at magsasakripisyo upang makatulong tungo sa isang dakilang layunin.  Umpisahan sa ating sarili, sa ating tahanan."- Atty. Cinderella Valenton-Reyes.


Ang pagpapanatili ng kalinisan ng ating kapaligiran ay isang tungkuling dapat gampanan ng bawat isa. Sa kanyang Ulat sa Bayan 2026, binigyang-diin ni Punong Bayan Atty. Cinderella Valenton-Reyes ang patuloy na pagpapatibay ng mga programa ng Lokal na Pamahalaan upang higit na mapabuti ang pamamahala sa basura sa ating bayan.


Bilang tugon sa hamong ito, nakapaglaan ang Pamahalaang Bayan ng bagong trak sa pangongolekta ng basura at nadagdagan ang mga kawani na magsisilbi sa gawaing ito upang maging mas mabilis, maayos, at tuluy-tuloy ang pangongolekta ng basura sa bawat Barangay.


"Batid ko po ang hamon pagdating sa ating waste management. Nakikinig at binabasa po natin ang mga komento, opinyon at ang inyong pagbibigay-alam sa mga isyung may kinalaman sa basura. Ito po ay isang malaking hamon hindi lamang sa ating pamahalaan at sa mga barangay, kundi sa ating lahat. Kung kaya naman, tayo ay naglatag ng mga programa bilang tugon. "-Atty. Cindy.


Nagkaloob din ang Lokal na Pamahalaan ng pondo upang matulungan ang mga barangay na magkaroon ng mga kagamitang magagamit sa paghahakot ng kanilang mga basura. Kasabay nito, isinusulong din ang pagtatatag ng isang sistema ng wastong paghihiwalay ng basura sa loob ng lokal na pamahalaan bilang huwaran ng isang disiplinado at responsableng opisina sa ating pamayanan.


Patuloy ding hinihikayat ang bawat Agoncillians na makiisa sa wastong paghihiwalay ng basura, muling paggamit ng mga maaari pang mapakinabangan, paglikha ng mga bagong gamit mula sa mga lumang materyales, at pagbabawas ng paggamit ng mga produktong plastik na pang-isahang gamit. Ang mga simpleng gawaing ito ay may malaking ambag sa pangangalaga sa ating kalikasan at sa kinabukasan ng susunod na salinlahi.


Ang hangarin ng isang Agoncillong walang basura ay maisasakatuparan lamang kung ang pagbabago ay magsisimula sa ating mga sarili, sa ating mga tahanan, at sa sama-samang pagkilos ng buong pamayanan.


Sapagkat ang isang malinis na Agoncillo ay bunga ng pagkakaisa, disiplina, at malasakit ng bawat mamamayan. 


#MasMagandangAgoncillo #MasMagandangSerbisyoPubliko

Post a Comment

0 Comments