KALIGTASAN NG MGA BATA, PRAYORIDAD NG MAGANDANG AGONCILLO: PULONG NG MGA KINATAWAN NG IBA'T IBANG AHENSYA PARA SA SABAYANG PAMBANSANG PAGSASANAY SA KALIGTASAN SA PAARALAN.🇵🇭✨

 



Patuloy ang aktibong paghahanda at koordinasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Agoncillo upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral, lalo na sa harap ng mga insidenteng nagaganap sa ilang paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa na nagdudulot ng pangamba sa mga magulang at komunidad.

Ngayong araw, Agosto 23, 2026, isinagawa ang isang pagpupulong ng iba’t ibang ahensya bilang bahagi ng paghahanda para sa Sabayang Pambansang Pagsasanay sa Kaligtasan sa Paaralan, partikular sa pagtugon sa mga insidenteng may banta o aktibong pag-atake. Kasalukuyan itong ginaganap sa ating G. Brotonel Events Center.

Pinangunahan ang paghahandang ito ng ating Punong Bayan, Atty. Cinderella Valenton-Reyes, kasama ang mga katuwang na tanggapan at ahensya, kabilang sina MLGOO Sir Abet Sandoval, mga Punong Barangay sa pangunguna ng Pangulo ng Liga ng mga Barangay, Kgg. Teodulo Humarang, Pangalawang Punong Bayan Atty. Remjelljan Humarang, Kgg. Jeffrey Hilario, Tagapangulo ng Komite sa Edukasyon, mga kinatawan ng PNP, BPF at Philippine Army, mga Punong Guro, mga Punong Barangay, at ang ating Pampurok Tagamasid ng DepEd SMART Agoncillo, Dr. Maria Melissa Ariola.

Hindi lamang ito isang pagpupulong dahil ito ay isang konkretong hakbang tungo sa mas ligtas na paaralan at mas handang komunidad.

Sa pamamagitan ng pagkakaisa ng Lokal na Pamahalaan, DepEd, mga paaralan, barangay, mga tagapagpatupad ng batas at iba pang katuwang na ahensya, layunin nating palakasin ang ating mga hakbang sa pag-iwas, kahandaan, mabilis na pagtugon at pangangalaga sa ating mga kabataan.

Alam nating ang pangamba ng mga magulang ay pangamba rin ng buong pamahalaan. Kaya naman, hindi tayo naghihintay na may mangyari bago kumilos. Ngayon pa lamang ay sama-sama na tayong naghahanda, nag-uugnayan at kumikilos upang mapanatiling ligtas ang bawat batang Agoncillians habang sila ay nasa paaralan.

Dahil sa Magandang Agoncillo, ang kaligtasan ng bawat bata ay hindi lamang responsibilidad ng paarala, ito ay pananagutan nating lahat.

#MasMagandangAgoncillo

#MasMagandangSerbisyoPubliko

Post a Comment

0 Comments