Opisyal nang sinimulan ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo ang pagdiriwang ng National Women’s Month 2026 na may temang: “Leading the Change: Women Shaping a Sustainable Future.”
Pinangunahan ang programa ng ating butihing Mayor Atty. Cinderella Valenton - Reyes, kasama ang Vice Mayor Atty. Remjelljan Humarang, mga SB Members, at buong hanay ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan. Ang aktibidad ay isinagawa sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Ma’am Josalyn Cortez, na patuloy na nagsusulong ng mga programang nagbibigay-lakas at oportunidad sa kababaihan ng ating bayan.
Sa Agoncillo, kinikilala natin na ang kababaihan ay hindi lamang katuwang sa pagbabago sila ay nangunguna, humuhubog, at nagbibigay direksyon tungo sa isang mas ligtas, mas patas, at mas sustenableng kinabukasan para sa lahat.
Ang mga kababaihan ng Agoncillo ay patuloy na nagpapakita ng lakas at dedikasyon bilang mga ina na unang guro ng tahanan, bilang mga empleyado at negosyante na tumutulong sa pag-unlad ng ating lokal na ekonomiya, bilang mga lider sa komunidad na nagsusulong ng kaayusan at pagkakaisa, at bilang mga kabataang babae na may malinaw na pangarap para sa mas maayos na bukas.
Isang inspirasyon din para sa bawat kababaihan ang ating Punong Bayan, na patunay na ang isang babae ay kayang mamuno nang may malasakit, katatagan, at malinaw na direksyon. Sa kanyang pamumuno, mas naipapakita na ang kababaihan ay may mahalagang papel sa paggawa ng desisyon, pagpapatupad ng mga programa, at pagbuo ng mga proyektong tunay na makikinabang ang buong komunidad.
Sa patuloy na pagdiriwang ng Women’s Month, ipinapakita ng Agoncillo na ang lakas ng kababaihan ay lakas ng buong bayan. Kapag ang kababaihan ay nabibigyan ng oportunidad, respeto, at suporta, mas nagiging matatag at maunlad ang ating komunidad.
Kasabay nito, binigyang-pansin din ang pagdiriwang ng 2026 Women with Disability Month, bilang pagkilala sa kakayahan, lakas, at mahalagang papel ng mga kababaihang may kapansanan sa paghubog ng isang inklusibo at mas maunlad na komunidad.
Para sa kababaihan ng Agoncillo ang inyong boses, kakayahan, at pangarap ay mahalaga. Patuloy tayong manguna sa pagbabago.
#MasMagandangAgoncillo
#MasMagandangSerbisyoPubliko
0 Comments