Isang mainit na pagtanggap ang iginawad ng ating minamahal na Punong Bayan, Atty. Cinderella Valenton-Reyes, sa mga kinatawan ng BDO Network Bank sa kanilang isinagawang courtesy visit sa Tanggapan ng Punong Bayan.
Sa kanilang pagdalaw, tinalakay ang mga programang layuning maghatid ng mas pinahusay na serbisyong pinansyal para sa mga mamamayan ng Agoncillo, lalo na sa mga nasa sektor ng MSMEs, mga manggagawa, at mga pamilyang nangangailangan ng mas accessible at maaasahang banking services.
Ipinahayag ng BDO Network Bank ang kanilang lubos na pasasalamat sa pamahalaang bayan sa patuloy nitong pagsuporta at pakikipagtulungan upang maisulong ang ekonomiya at mapalawak ang serbisyong pampinansyal sa ating komunidad.
Ikinagalak din ng Pamahalaang Lokal ng Agoncillo na makita ang patuloy na pag-usbong ng mga oportunidad na magpapalakas sa lokal na kabuhayan at magdudulot ng mas progresibong kinabukasan para sa bawat Agoncillian.
Ang BDO Network Bank – Agoncillo Branch ay nakatakdang magbukas sa darating na December 3, 2025, at matatagpuan sa Poblacion, Agoncillo, Batangas.
Malugod nating tinatanggap ang bagong institusyong ito na tiyak na magiging katuwang ng ating bayan sa pagpapalago ng ekonomiya at pagtataguyod ng inklusibong pag-unlad.
#MagandangAgoncillo
#MagandangSerbisyoPubliko
0 Comments